Essay Example, Alternative Learning System
Topic: Ano ang iyong magagawa upang mapaunlad ang iyong pamilya?
Author: Albert Cueva
Ang Aking Magagawa Upang Mapaunlad ang Aking Pamilya
Ang pag-unlad ng estado ng isang pamilya ay nakasalalay sa responsableng pagganap ng mga tungkulin ng bawat miyembro nito. Nagmumula sa pamumuno ng ating mga ama na itinuturing haligi ng tahanan at sa paggabay ng ating mga ina na nagsisilbing ilaw ng tahanan, hanggang sa buong-pusong kooperasyon ng mga anak sa mga mithiin ng kanilang mga magulang para sa kanila at sa kabuuan ng kanilang pamilya.
Bilang isang anak na nasa murang gulang pa lamang, isa sa aking mga pangunahing maiaambag ay ang pagtulong sa mga gawaing bahay upang kahit papaano ay mabawasan ang pagod ng aking magulang at magkaroon pa sila ng mas mahabang oras sa pagtupad ng iba pa nilang tungkulin.
Ang pagtitipid sa paggamit ng kuryente at iba pang utilities sa bahay ay isa rin sa aking mga magagawa. Sa pamamaraang ito ay makatutulong akong madagdagan ang budget ng aming pamilya para sa iba pang mga pangangailangan sa bahay.
Hangga’t maaari ay iiwasan kong magdulot ng dagdag na alalahanin o problema sa aking mga magulang. Iiwasan ko ang bisyo, pakikipagbarkarda, at iba pang mga hindi kaaya-ayang gawain. Kung sakali mang hindi sinasadyang ako ay may magawang hindi tama, ay magiging tapat ako sa aking mga magulang at ipapangakong hindi na kailanman uulitin.
Hindi maiiwasang paminsan ay magkulang sa pagbibigay ng atensyon ang ating mga magulang dahil sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin, ito ay aking uunawain at hindi kailanman iisipin ang mag-rebelde. Bilang nakatatanda sa aming magkakapatid, ay pupunan ko ang ilang pagkukulang ng aming mga magulang at ipaliliwanag sa aking mga nakababatang kapatid ang sitwasyon upang hindi sila magdamdam.
Bukambibig ng marami na ang tagumpay ng mga anak sa kanilang pag-aaral ay lubos na kaligayahan ang dulot sa magulang. Gagawin ko ang aking buong makakaya upang maibigay ang kaligayahang ito sa aking mga magulang bilang reward sa kanilang pagsisikap para sa aming buong pamilya. Ipinapangako kong aking paghuhusayan ang pag-aaral at pipiliting magkamit ng honor upang magkaroon ng mas malaking oportunidad na makahanap ng magandang trabahong may malaking kita upang makatulong sa aking pamilya sa pinansyal naming pangangailangan.
Ang magkaroon ng magandang kinabukasan ang mga anak ang pangunahing mithiin ng mga magulang sa kanilang pagsusumikap na mapaunlad ang estado ng kanilang pamilya. Dahil dito, tayo bilang mga anak ay kinakailangang isaisip lagi at gawin ang lahat ng posibleng partisipasyong ating maiaambag upang maisakatuparan ng ating mga magulang ang kanilang mga pangarap para sa atin.
This literary work is protected by the Intellectual Property Rights of the Philippines. Learn More →
0 comments:
Post a Comment