Essay Example, Alternative Learning System
Topic: Ano ang kahalagahan ng makabagong teknolohiya sa pag-unlad ng bansa?
Author: Albert Cueva
Ang Kahalagahan ng Makabagong Teknolohiya sa Pag-unlad ng Bansa
Ang kakayahan ng makabagong teknolohiyang gawing mas produktibo, mabilis at palagiang tama ang ibinibigay na resulta ng anumang pinaggagamitan nito ay sapat nang katibayang malaki ang kontribusyon nito sa pag-unlad ng bansa.
Sinabi ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal na ang kabataan ay pag-asa ng bayan, mas nagiging makatotohanan ito sa kasalukuyan dahil sa mas malawak at komprehensibong mga araling naibibigay ng computer at Internet sa mga mag-aaral ngayon kumpara sa mga nakalipas na henerasyon. Bunga nito ay mas napagyayaman ang kaalaman at kakayahan ng ating mga future professionals upang magawang makipagsabayan sa pandaigdigang kumpetisyon.
Kung noon ay ang tradisyunal na telepono at pagpapadala ng sulat sa koreyo lamang ang mga paraan ng ating pakikipagkomunikasyon, ngayon ay mayroon nang cell phone na maaari nating bitbitin saan man tayo magpunta at patuloy na makipagkomunikasyon kailan man natin kailanganin. Sa tulong din ng computer at Internet ay mabilis na naipapadala ang ating mga mensahe gamit ang teknolohiya ng email. Gayundin ang mga tinatawag na apps sa mga makabagong cell phones (smartphones) katulad ng viber, wechat at skype na ginawang abot-kaya para sa lahat ang pagpapalitan ng impormasyon ng mga karaniwang mamayan para sa kanilang personal na usapin at maging mga kumpanya para sa kanilang negosyo.
Marami sa mga industriya sa bansa ay gumagamit ng mga makabagong makina sa kanilang produksyon, ang resulta ay mas marami ang nagagawang produkto sa loob ng maigsing panahon at nakatitipid sa kabuuang gastos. Nangangahulugan ito ng mas malaking kita para sa mga namumuhunan at naibibigay ang pangangailangan ng mga kliyente sa itinakdang panahon. Maging sa sektor ng agrikultura ay mayroon nang makinang ginagamit sa pag-aani ng palay mula sa paggapas hanggang sa paggiik ng mga ito.
Malaki rin ang naitutulong ng makabagong teknolohiya sa kabuuang lagay ng kalusugan at kaligtasan ng bansa. Gamit ang infrared fever sensing system sa mga paliparan at daungan ay naiiwasan ang pagpasok sa bansa ng mga pasaherong kinakikitaan ng sintomas ng sakit na maaaring magdulot ng malawakang epidemya. Ang mga metal detectors at CCTV na karaniwang ginagamit para sa seguridad ng mga establisyimento at ilang mga pampublikong lugar ay nakatutulong mabawasan ang krimen gayundin sa paglutas nito. Ang Project Noah ng Department of Science and Technology (DOST) ay may kakayahang makapagbigay ng ulat sa lagay ng panahon at sa pamamagitan nito ay nabibigyan ng abiso ang publiko upang makapaghanda at makaiwas sa pinsalang maaaring idulot ng paparating na kalamidad. Mahalagang mapanatiling libre ang bansa sa anumang epidemya at ligtas sa banta ng krimen at kalamidad upang patuloy na makahikayat ng mga turista at dayuhang mamumuhunan, gayundin upang hindi makabawas sa national budget ang mga magiging gastusin sa pagsugpo nito at rehabilitasyon ng mga maaapektuhang lugar.
Ang teknolohiya ay mabilis na nagbabago at patuloy na nadaragdagan kaya tayo ay kinakailangang makasabay para laging mayroong oportunidad na angkop sa ating kakayahan at hindi kailanman mapag-iwanan. Paghusayan natin ang pag-aaral, gamitin sa tama at pakinabangan ang makabagong teknolohiya at sumabay sa pag-unlad ng ating bansa.
This literary work is protected by the Intellectual Property Rights of the Philippines. Learn More →
thanks a lot
ReplyDelete