Essay Example: Tourism

Essay Example, Alternative Learning System

Topic: Paano mapauunlad ang turismo ng Pilipinas?
Author: Albert Cueva

Paano Mapauunlad ang Turismo ng Pilipinas?

Isa ang Pilipinas sa mga bansang biniyayaan ng Maykapal ng likas na yaman at nagtataglay ng makulay na kasaysayang ating maipagmamalaki sa mga turista. Ang ating pamahalaan sa pangunguna ng Department of Tourism ay matalino at buong sikap na ginagawa ang kanilang tungkulin upang makahikayat ng mga banyagang bisitahin at tuklasin ang mga natatanging yaman ng ating bansa. Base sa mga naiulat, malaki ang inilago ng ating turismo kumpara sa mga nagdaang taon ngunit sa kabila ng pagsusumikap ng DOT ay bigo pa rin nitong maabot ang target na kabuuang kita para sa taong ito.

Ang pagkabighani ng mga banyaga sa mga magagandang lugar sa ating bansa ay hindi sapat na batayan upang mapagdesisyunan ng mga itong pumasyal sa atin. Isinasaalang-alang din ang kasiguraduhan ng kaligtasan; magandang serbisyo sa ating mga paliparan at iba pang uri ng transportasyon, gayundin sa mga tutuluyang hotel; abot-kayang presyo ng mga bilihin at iba pang mga pang-araw-araw na gastusin sa kanilang pamamalagi; kakaiba at masasarap na pagkain; at higit sa lahat ang mabuting pagtanggap at pakikitungong likas sa ating mga Pilipino.

Bilang isang kabataan, bagamat tayo’y walang posisyon sa gobyerno ay mayroon pa rin tayong mga mumunting magagawa upang makatulong na mapaunlad ang turismo sa Pilipinas. Tulad na lamang ng simpleng pagbabahagi sa Facebook at iba pang social media platforms ng mga larawan ng magagandang lugar sa ating bansa. Buong mundo ang naaabot ng Internet at ang mga ipino-post nating larawan ay hindi imposibleng maka-enganyo ng mga banyagang bumisita sa ating bansa. Isang malaking ambag din ang ating pakikiisa sa mga adbokasiyang isinusulong ng mga political at non-political groups na naglalayong mapreserba ang likas na ganda ng mga tourist spots sa ating bansa. Isa sa mga pinakasimpleng kontribusyon nating mga kabataan ay ang pag-iwas na gumawa ng bandalismo gayundin ang pagre-report sa kinauukulan ng nasaksihang gumagawa nito.

Ang pangarap na mapaunlad ang turismo ng ating bansa ay hindi lamang nakasalalay sa sangay ng pamahalaang namumuno rito. Kinakailangan din ang buong pusong pakikiisa nating mga mamayan bilang pangunahing makikinabang sa mga mabubuting idudulot nito.

This literary work is protected by the Intellectual Property Rights of the Philippines. Learn More →

0 comments:

Post a Comment